(Nag-aalangan akong isulat ito dahil baka hindi ko mabigyan ng hustisya ang paksang ito. Kulang ang talas ng aking kaisipan, kulang ang aking kakayahang maglarawan, at kulang ang lalim ng aking pagsusuri, upang maipaabot nang husto ang aking nais sabihin. Ang layunin ko lang ngayon ay iulat siya, para ang makakabasa ay magkaroon ng interest at curiosity. Mas mainam na ito’y maranasan nang personal.)
Makikita mo sila sa gilid ng kalsada sa Buendia, kung dudungaw ka sa bus habang nakatirik ito sa trapik, habang bagot ka na bagot sa paghihintay na umabante ang mga sasakyan dahil late na late ka na. Ang pagkatengga ay bahagi na ng bawat umaga mo bilang nag-oopisina sa Makati business district. Makikita mo sila, mga batang may dala-dalang mga lata na iba’t ibang laki, na pinagtali ng isang gomang itim na marahil ay hango sa ginupit na goma ng ‘interior’ o inner tube ng gulong. Kinakalikot nila ang mga lata, pinipitik, tinitingnan ang ‘pitch’ o taas ng tono ng bawat isa. Pagkakaiba ng pitch ang dahilan kung bakit iba-iba ang laki ng mga lata, dahil sila’y nagsisilbing tambol. Pinapalo, tinatapik, kinakaskas para malaman ang tunog. Paminsan-minsa’y inaalisan din ng kalawang o anumang duming nakakapit ang mga lata. Syempre, kailangan presentable.
Dati-rati, sa awitin lang ng APO Hiking Society na “Doo Bi Doo Bi Doo” ko naririnig ang tambol na lata, at bilang isang salita lang na kumakatawan sa isang bagay. Kaya ko siyang imaginin, pero hindi pa talagang nakikita o naririnig. Pero ngayon sa Buendia, at marahil sa iba’t ibang kalsada na rin ng Kamaynilaan, makikita at maririnig mo na siya.
Parisan sila kung magtrabaho, mga batang napakamura pa ng gulang para magtrabaho sa kalye. Nag-aabang ng mga sasakyan. Yung isa, madalas yung mas maliit, ang papasok sa jeep, lulusot sa mga nag-uumpugang tuhod ng mga pasahero para makarating hanggang kaloob-looban. Ang reaksyon ng mga bagong ligo at bagong bihis na mga nag-oopisina ay mabilis, iiiwas nila ang kanilang mga pantalon, stockings at sapatos, yung iba ay magtatakip ng ilong o ipapaling ang mukha, dahil madalas kaysa hindi ay amoy pawis o anghit ang bata dala ng hindi madalas na paliligo. Yung kanyang kasama naman, uupo sa may pintuan ng jeep, patalikod sa mga pasahero, at paharap sa driver ng kung ano mang nakasunod na kotse, bus o iba pang sasakyan. Magtatambol siya sa tambol na lata, sa pamamagitan lang ng kanyang mga daliri, at kakanta ng kahit anong kanta, madalas ay medley ng kung ano mang kanta na alam niya. Palipat lipat ang kanyang mga kamay dun sa mga latang iba-iba ang laki, hinahanap ang tono na babagay sa kanyang kinakanta. Hindi pa rin siya gaanong tumatama, kung papakinggan mo, dalawang tracks ng musika (o ingay, depende sa panlasa mo) ang iyong naririnig; yung kanta, at yung tambol. Magkaiba ng tono, magkaiba ng tiyempo. Kung magkatugma ay OK, kung hindi naman, di bale na lang. Habang ang musikero ay nagpipilit (o ‘going through the motions’ depende sa pananaw mo) na magbigay ng aliw, yung kasama niyang pumasok sa loob ay magsisimulang manghingi ng limos. Mabilisan ito, mabilis na kantahan, at mabilis din na panghihingi. Di na masyadong pinagtatagal ang nakalahad na palad sa pasaherong dedma at ayaw magbigay. Marami namang sasakyan, at marami pang pasaherong mahihingan ng barya. Mas mainam sana kung sa bus sila makakatugtog at makakapanghingi ng limos.
Siksikan ang mga bus na patungong Ayala tuwing umaga. Pinagpipilitan ng mga barker, driver at kundoktok na pasakayin ang lahat ng kakasya, hindi lang sa mga upuan na kadalasa’y alanganin ang laki (ang mga pandalawahan ay maluwag lang sa isang tao, ang mga tatluhan ay maluwag lang sa dalawang tao), kundi maging sa center aisle. Bawat pasaherong sumakay na tatayo na lamang ay pinauusog sa likuran, para maisiksik pa yung mga sasakay pa. Pero dahil kulang na kulang ang transportasyon papuntang Ayala, walang choice ang mga pasahero kundi magtiyagang tumayo at makipagsiksikan. Ang mga nagbabago ng isip at bumababa habang nasa may estribo pa lang ay hinahabol pa ng insulto at mura ng mga kundoktor, driver at barker. Maaarte daw, nang-aabala at humaharang pa sa ibang gustong sumakay. Para namang di pa sapat na siksikan kayo, pag naningil pa ng pamasahe ang kundoktor ay sisingit pa siya sa inyo, pauusugin kayo para siya makaraan. Nagkakaapakan ng di dapat maapakan, nagkakaamuyan ng di dapat maamoy. Pero ito’y kwento sa ibang pagkakataon. Ang ibig lamang sabihin ay hirap makasingit sa bus ang mga batang magtatambol dahil siksikan na nga, at madalas ay hindi naman talaga sila pagbubuksan o paaakyatin ng driver. Pag hindi na rush hour, pwede, kung papayagan.
Sa unang pagkarinig ko sa awit ng boses-bata na sinasaliwan ng walang kawawaang tunog-lata, ang una kong naramdaman ay hiya. Hindi ko alam kung bakit, pero sa tuwing nakakakita ako ng mga taong dukhang-dukha sa mga publikong lugar, ako’y nahihiya. (Ganito rin ang pakiramdam ko sa ibang mga eksena ng karukhaan sa Buendia: ang ina na sumasalok ng malinaw na tubig sa hukay sa kalsada, tubig na nagmumula sa tumatagas na tubo ng MWSS, o kaya nama’y tubig-ulan na nalipasan na ng ilang oras at luminaw na dahil nag-settle na ang putik sa ilalim, upang ipampaligo sa anak na nanlilimahid ang damit dahil yun at yun lang ang isinusuot, o kaya nama’y ilalagay sa pitsel para kanilang inumin o ipanluto. O kaya pag gabi na, yung mga iskwater at homeless sa may estero na naghihiwalay sa Makati at Pasay, malapit dun sa dating Houseware Square, na nagsisitulog na sa sidewalk habang isang metro lang sa tabi nila ay bumper-to-bumper ang trapik ng mga kotse, SUV, AUV, at mga pampasaherong bus at jeep, maingay ang mga makina at busina dahil maiinit na rin ang mga ulo ng mga driver dahil sila’y gagabihin na naman at hindi makakapanood ng showbiz news at telenovela.)
Bakit nga ba ako nahihiya? Iniisip ko ba na baka may turistang foreigner na makakakita na may street musicians sa loob ng mga sasakyan sa Piipinas?
O nahihiya ako dahil nakapag-almusal na ako, may cellphone, may cable TV at DVD, may pera naman kahit paano sa bulsa, pero may mga batang paslit na sa halip na nasa eskwela ay nasa lansangan, at kailangan pang gumawa at tumugtog ng tambol na lata para lang makahingi ng konting barya?
O nahihiya ako dahil bagama’t titig na titig na parang nang-uusig ang mga mata ng batang nagtatambol sa driver ng nakabuntot na mamahaling SUVing gawa sa Amerika o modelong kotse na gawa sa Japan e hindi pa rin naaantig ang damdamin ng nasabing driver, o ng alin man niyang pasahero, dahil siguro may iba silang iniisip, lalo pa’t late na sila sa opisina?
Umuunlad na daw ang ating bansa, pero bakit ganito?
Dati-rati, sa kanta lang ng APO Hiking Society ko naririnig ang salitang tambol na lata. Akala ko laruan lang siya, isang first step ng batang musikero patungo sa pagiging seryosong drummer. Tambol na lata muna habang wala ka pang pambili ng drum kit. Pero hindi pala, ang tambol na lata pala ay seryosong instrumento. Seryoso dahil panghanapbuhay ng batang namamalimos.
Tuesday, September 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment